Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
El Aug 2017
Minamahal kita
subalit hindi ko ito ikukumpara
sa mga tala, sa alon;
Hindi ko ito ikukumpara
sa mga bagay na karaniwang ginagamit sa tula
sa bango ng bagong pitas na rosas
sa apoy na walang tigil sa pagliyab
Minamahal kita
nang hindi ko ito ikukumpara sa mga iyon
o sa kahit ano.

Minamahal kita dahil sadyang mahal kita —
sa katwirang hindi maikukumpara ang aking nararamdaman
sa mga bagay na natatanaw, nahahawakan.
Minamahal kita dahil sadyang mahal kita
walang tulad-tulad
walang mga talang kumikinang at along humahaplos
walang rosas na kasing bango ng kawalan ng alinlangan
walang apoy kung saan ang usok ay kumakaway sa mga ulap
at hindi na matanaw.

Minamahal kita
at hindi ko ito ikukumpara sa kahit ano.  

Minamahal kita
Original poem written August 9, 2017
Stum Casia Aug 2015
May paligsahan ng palakasan ng palakpakan sa Batasan Complex.
May pabuyang naghihintay
sa mapuputulan ng kamay
kakapalakpak kahit palpak at sablay.  
Pabayaang maglaway ang mamamayan sa kaunlarang  ibabandila.
Hayaang mabilaukan ng kathang-isip ang mga pasilyo,
wawalisin na lang ito mamaya
o bukas kapag iba na ang usong balita.  
Kapag kasuotan na ang pinag-uusapan.

Madulas kayong lahat sa nasayang na laway.
Naghahanap ng away ang hindi pupuri.
Ang hindi sasamba.

Ang ayaw sumama sa pagsimba sa katedral ng kasinungalingan
pagugulungin sa labas ng bulwagan.
Walang puwang ang katotohanan kaninong palad man ito nakasulat.  
Kaya’t huwag itong iladlad.
Huwag itong itambad.

Huwag hubaran ang matagal nang nakahubad.

Ibibilad kayong mga bastos.
Iiwas sila sa pakikipagtuos,

dahil mas matigas pa sa mukha nila ang inyong katwirang
huwag sumali sa paligsahan.

Dahil ang masigabong palakpakan ay nakalaan sa sambayanang lumalaban.

— The End —