Sa bawat patak ng oras, ako'y nauubos.
Hindi mawaring isipin kung kumusta ka.
Iniisip mo ba ako? O ako lang ba ang nahulog?
Pilit kong itinatanim sa aking isipan na huwag magmadali.
Hayaan ang tadhanang gumawa ng paraan. Bigyang respeto ang tamang pagkakataon. Huwag nating pilitin.
Ngunit kasabay ng pagkumbinsi sa sariling huwag mangialam, nahahati ang aking isipan upang gumawa ng unang hakbang.
Ano nga bang mapapala ko kung hindi ako kikilos? Subalit sasagi sa isip ang posibilidad na mawala ka dahil sa mapupusok kong gawi.
Isang malaking palaisipan ang pag-ibig.
Hindi ito para sa mga mahihina ang puso.
Hindi ito para sa mga taong mabilis mahulog at madaling masaktan.
Minsan napapaisip ako kung bakit pa ba natin ito ginagawa?
Sa dinami-dami ng hirap, sakripisyo, at sakit nitong dulot, talaga bang may patutunguhan?
Sa tagal ng panahong ginugol kong mag-isa, naliwanagan ako sa aking halaga.
Karapat-dapat ako sa pagmamahal na buong-buo at mapagpalaya.
Ngunit, tangina naman. Bakit ganito kahirap mahanap?
Akala ko madali. Iwinaksi ko lahat ng hadlang na maaari kong malampasan.
Ginawan ng paraan at isinaayos ang sarili.
Pagkalingon ko'y ako bigla ang nahuli.
Halos lahat ng aking mga kasabayan nagkaroon na kani-kanilang katambalan.
Ang malas ko naman.
Bakit ako na lang ang hindi nabigyan? Hanggang sa dulo ba ay ganito pa rin?
Parusa ba ito sa salang hindi ko namalayang gawin?
Diyos ko, ano bang magagawa ko?
Anong ginawa ko upang maranasan ito?
Hindi naman sa pagdadrama.
Ang nais ko lamang ay isang makakasama. Iyong makakausap sa araw-araw nang walang sawa.
Iyong magbibigay sa akin ng atensyon at alaga. Ngunit kasabay nito, ako'y handa rin
Na isauli ang pagmamahal na aking nagkakandarapang kunin.
Isang pagkakataon lang po upang magsimula muli ang puso
Makadama ng pagmamahal na tapat at totoo
Makakaasa kayong hindi ko ito isusuko
Anoman ang pagsubok na aming matamo
First Filipino poem I published.
For all the people who had been single for a long time and wanted to have someone again