[Para kay Emerson David V. Jacinto, February 16, 1962 - May 02, 2011)
Mula paglilihi sa ningas ng ilawang gasera
sa sulok ng angking dunong, kaisipa’y namunga,
hanggang sa pagluwal, kasaliw ang palakpak ng sigla,
ulilang panaghoy at sigaw ng malayong pag-asa
- sa panawaga’t tinig ng Inang Bayan, tumugon ka.
Kusang-loob, inihandog, buhay at panahon
Walang alinlangan, payak na pamumuhay ay tugon
Sa lamig ng gabing kamao’y nagkuyom
Kumot mo’y pusong malasakit ang nilikom
- Unan ay konsyensyang malinis at tapat sa layon.
Mapait na dagta ang sa damdami’y nanalaytay
tila ipinahid ng mahabang paghihintay
sa mayamang dibdib ng ating kinagisnang Inay
- ang Inang Kalikasan. Doon ka humimlay,
- Makabuluhang buhay ang iyong tagumpay