Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
Paul Diesta Jul 2015
Ba't di mapigilan 'tong nararamdaman
Kahit aking puso'y lubos ng sugatan
Punyal na tumarak dito sa 'king puso
Hinagpis ng dibdib na luha ay dugo.

Kaysakit isipin kung bakit ganito
Lungkot ay bumalot dito sa 'king mundo
Laking pagsisisi kung ba't ba nagawa
Lahat ng kamalian sa'yo oh! Sinta.

Sabihin man nila ako'y isang tanga
Puso'y di nagsisi ng piliin kita
Sa 'ting mga kaaway ipagtatanggol ka
Kahit buhay ko pa ang bawiin nila.

Ulan man o bagyo, aking tatahakin
Aking iniirog wag mainip sa'kin
Maghintay ka lamang tanging panalangin
Kanser na pagibig, dapat ba sa akin.
tintin layson Jul 2011
Nakita kita kanina. Nadaanan ka lang
ng dyip na sinasakyan ko. Ewan
baka nakita mo rin ako.
Kung napansin mo ko, yun ang hindi ko alam.
Malamang hindi.

Ganun ka pa rin, ganun ka palagi.
Magkasalubong na mga kilay,
nakakunot na noo. Siguro
dahil sa init. Ayun, kahit
mag-isa lang sa dyip, di
ko napiglan, napangiti na lang ako.

Nainis naman ako nung
isang beses, biglang
sinabi ng kaibigan ko, hindi raw
maganda yung ginawa **** artikulo. Ipagtatanggol
sana kita pero anong masasabi ko, eh
wala naman akong alam tungkol sa'yo.

Kaya eto pagdating ng bahay, binuksan
ko agad at binasa. Baka sakali
sa paraang ito maging close tayo.

At sa bawat salita, sinusubukang
intindihan ang ginawa mo. Pero ang totoo,
pinipilit intindihin ka. Baka
kasi dito, makilala kita.

Isang araw dati, lumabas ako
kasama ang isang kaibigan. 'Ah ok' na lang ang
nasabi ko, nang malaman kong
ang ex niya,
ay siya ring ex mo. Anliit
talaga ng mundo, noh?

Naalala ko tuloy nung hindi
mo kami tinulungan, kasi
busy ka, busy ka para sa bayan. Ayan,
lalo tuloy kitang nagustuhan.

Naisip ko nun, kahit
kelan hindi ako magiging bida
sa hawak **** kamera, kasi,
ang bayan mo, ang bayan ko, ang lagi **** inuuna.

Oo kahit ako natatawa, kasi
sobrang layo talaga ng
distansya nating dalawa. Mula
sa paniniwala hanggang sa mga ginagawa, hindi
kayang sukatin kahit ilang
ruler pa gamitin.

Hindi naman ako naghahangad
ng kahit ano. Ang makita ka nang di inaasahan,
sapat na yun. Ang mabasa
ka, okay na para isiping
kilala nga kita.

Makita lang ulit ang mga mata mo, maisip
o maalala lahat ng ito, okay na.
Pero sana alam mo,
may isang tao dito, napapangiti
dahil sa'yo.
It was during an Ondoy relief operation in UP when I started liking this guy. Oh well, he's the typical tibak that won't bother to care on what people think of him, very unassuming. And I liked him even more because of that. He was the kule editor that time. I guess it's the reason why I have a collection of kule. I wonder where you are now :)
marianne Apr 2022
Isa,dalawa,tatlo.Binibilang ni Renren ang bawat segundong lumilipas habang siya ay tumatakbo.Kung papaanong binibilang niya ang oras noong kabataan nila habang naglalaro ng taya-tayaan.Ngunit iba na ngayon.Hindi na mga maiingay na paslit ang humahabol sa kaniya.Bagkus,hinahabol siya ng mga nagsisigawang naka-itim.Nakaitim sila ngayon ngunit alam niyang sila ay talagang dapat naka-asul.Ngayong gabi,sila ay nakaitim at walang mga plakang ginto o pilak ang nagniningning sa kanilang mga dibdib.
     Isa,dalawa,tatlo.Sunod-sunod silang nagsusulputan mula sa likod ni Renren.Nariyan na sila.Pagod na siya.Kapos na siya sa hininga at manhid na ang kaniyang mga paa.Ngunit hindi siya maaring tumigil dahil paparating na ang mga anino ng baluktot na hustisya.Alam ni Renren na wala siyang ibang magagawa kung hindi tumakbo.
     Isa,dalawa,tatlo.Ilang iskinita na ba ang sinuot ni Renren upang magtago?Pilit niyang sinisiksik ang sarili sa bawat sulok upang matakasan ang kapahamakang dulot ng mga aninong dapat naka-asul,mga aninong dapat sa kaniya ay naniniwala’t nagtatanggol at hindi humahabol nang hindi nagtatanong o nakikinig.Nagtatago siya dahil alam niyang wala siyang iba pang mapaparoonan o mahihingian ng saklolo.Tulog ang batas ngayong gabi,wala siyang mapupuntahan.Kaya’t heto si Renren,hindi mapakali sa sulok at basa ng malamig na pawis.Nanginginig ang kaniyang laman sa takot at awa sa sarili.Sana bata na lamang siya uli at ito ay isang normal na laro lamang ng tagu-taguan ngunit hindi.Nagulantang siya nang may isang malakas na sipa ang sumira sa pinto ng kaniyang pinatataguan.Nanigas siya sa kaniyang puwesto.Ayaw pa niyang mataya.
    Isa,dalawa,tatlo.Ilang mura ang binitawan ng isa sa mga anino.Ngayon ay papalapit na sila kay Renren.Agad nilang hinila ang mga braso nito sabay sabunot sa ulo ng lalaki upang patingalain at ipamalas ang panggagalaiti’t pakiramdam ng kapangyarihang mababakas sa kanilang mga mukha dahil ngayon sila ang mga hari,sila ang batas.Bagama’t napapalibutan,nagpupumiglas pa rin si Renren.Sana larong bata na lamang ito.Sana pwede siyang magsabing,“Saglit!Taympers.Pagod na ako.“Ngunit hindi maari dahil iba na ang laro na ito.Ang larong ito ay walang ibang pinapanigan o pinapakinggan kung hindi ang mga nakauniporme’t ang matandang lalaki sa upuan.Umiiyak na si Renren.Ayaw pa niyang mataya."Wag po!Wag po!Hindi po ako.Sir,maawa po kayo.Inosente po ako—”
     Isa,dalawa,tatlo.Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa parte ng lungsod na iyon.Taya na si Renren.At sa mga huling segundo ng kaniyang buhay inisip niya na sana tulad nung bata siya,kapag pagod o nasasaktan sa siya sa paglalaro ay iuuwi siya sa kanilang bahay,siya ay tutulungan.Subalit sa larong ito,palaging ang mga tulad ni Renren ang talo.
      Sa pagsapit ng umaga,uuwi ang mga anino at magsusuot muli ng asul,hahalik sa kanilang mga naglalarong batang anak o kapatid,nangangakong ipagtatanggol nila ang mga inosenteng inaalipusta’t inuusig—isang pangakong hindi natutupad. At walang Renren na uuwi sa tahanan nila,bagkus ay may bagong malamig na bangkay ang ipapakita sa telebisyon,tatanungin ang matanda sa upuan kung bakit ganoon ang sinapit ni Renren.Ngunit wala siyang ibibigay na tama at maayos na sagot dahil sa larong ito,siya ang Diyos,ang mga aninong dapat naka-asul ang instrumento,ang bansa ang palaruan at mga buhay nila Renren ang isinusugal.
I wrote this back in January 2017, when bodies of innocent people were piling up on the streets and fear haunted the slums Manila. It was during the midst of the ****** drug war the current officials were waging against God knows who. The purpose itself ( which was mitigating the damages of drug addiction and drug-related crimes in our country and extinguishing drugs in general ) was actually good but with it being executed without any concrete planning and any consideration of the people’s constitutional rights, it was doing more bad than good. I hope that these extrajudicial killings and rising number of police brutality cases will soon be put to a stop. I trust that our leaders will be enlightened in one way or another.

— The End —