GABI (Night)*
Ayan nanaman si araw,
iniwan nanaman niya ako.
Tinapos nanaman niya
ang maghapon sa paglubog.
Tinanggal nanaman niya
ang liwanag sa paligid ko.
At iniwan nanaman niya akong
nakatanaw sa malayo, sa tabi ng bintana,
minamasdan ang pagpasok ng dilim,
hinahanap ang buwan at mga bituin.
Ang tanawing ito ang nagpapa-alala sa akin
na “There is always light, even in the darkest times”.
Kasabay ng pagpasok ng dilim
ang pagtulo ng luha sa mga mata ko.
Nasaan si Paulo? ang tanong ko sa sarili ko.
Hinahanap ko nanaman siya,
sa tuwing sasapit ang ganitong oras.
Kailan ko kaya siya ulit makikita?
Kailan kaya kami ulit magkakasama?
Lumipas nanaman ang isang maghapon
na hindi ko nasilayan si Paulo.
Ipinikit ko ang aking mga mata ng mariin,
kasabay pa rin ang mga munting luha
na patuloy lang sa pagpatak habang
iginuguhit ko ang kanyang mukha sa aking isipan,
habang ninanais ko na mahawakan
ang kanyang kamay sa sandaling iyun.
Nangiti na sana ako, kaso pagdilat ko,
ako lang pala mag-isa ang nandito, at
kathang isip ko lang ang lahat.
Napabuntong hininga ako ng napakalalim,
at sa paglabas ko ng hangin sa aking katawan
naisipan ko nalang na pumikit ulit at manalangin.
“Ama, kung anuman po ang Inyong
ginawang plano sa amin ay Siya pong masusunod
at malugod ko pong tinatanggap.
Alam ko po na may magandang dahilan ang lahat
ng nangyayari sa amin na ayon sa Inyong kagustuhan.
Ang dasal ko lang po ay Nawa sana
tulungan Ninyo kaming makita at malaman
ang dahilan ng lahat ng ito.
Bigyan Ninyo kami ng lakas ng loob at sapat
na pananampalataya upang kumapit pa,
huwag sumuko at hawak kamay na harapin
ang pagsubok na ito. Hayaan Nyo po kaming
patuloy na manalangin, gawing sandalan ang isa’t-isa,
at gawin Kayong sentro ng aming pagmamahalan
sa kabila ng lahat. Amen. ”
At tuluyan ko ng ipinikit ang aking mata
sa pagtulog, nagbabakasakaling kahit
sa panaginip man lang ay mahagkan ko siya at makasama.