Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
Ang pagibig sa karunungan ay walang katapat na halaga. Ang pilosopiya at salapi ay langis at tubig kailanman hindi ito maaaring magsanib. Si Socrates na ama ng pilosopiya ay hindi yumaman ni guminhawa ang kanyang buhay. Ang karunungan ay bahagi ng kaluluwa at ang kaluluwa kahit kelan ay hindi nangailangan ng salapi at materyal na mga bagay. Walang pera sa pilosopiya sapagkat wala rin pilosopiya sa pera.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang pundasyon ng mga sibilisasyon. Ang kultura at ebolusyon ng lahat ng buhay at mga pangyayari at kasaysayan ay nakasalalay sa pag-unlad ng pilosopiya. Ang karunungan ay parang gulong na laging sumusulong. Ang lahat ng sangay ng kaalaman ay nakasalalay sa pilosopiya, pilosopiya ang nagbibigay buhay at nagpapagalaw sa mundo. Ito ang bumabago sa takbo ng panahon at isipan ng bawat henerasyon.

“Philosophy bakes no bread” ang medisina, batas, arkitektura, literatura at lahat ng katha ng isip ay nakasalig sa pilosopiya. Walang kaayusan kung walang pilosopiya. Ito ang mapa ng mundo at kompas ng kasaysayan. Pati ang mga buktot na panukala at mga hangarin ay may bahid ng binaluktot na pilosopiya na binalangkas ng mga taong hangal. Ang pilosopiya ang lumilikha ng yaman at kahirapan depende kung paano ito ginagamit ng mga nasa kapangyarihan.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang kanlungan at kapahingahan; ito ang nagbibigay ng kalayaan. Tanggulan ito ng mga mahihina at walang kayang lumaban. Sulo na nagbibigay liwanag at pumupunit sa dilim ng gabi.
Jun Lit Sep 2017
Daan-daan, libu-libo
Daang-libo, daang-libo
Umaasang may milagro
Limandaang-libong piso

Kayamanang kinurakot
Ng pamilyang naging salot
Sa bayan kong binaluktot
Isasabog, baryang simot?

Marami ngang naniwala
Iba nama’y sakali, baka
Kapag pera ang nagwika
Sumusunod tanang dukha

Kapag baya’y maralita,
Karamiha’y mangmang pawa
Konting kiliti at banta
Utu-uto bumabaha

Dumaraming maralita
Kailangan ng kalinga
Karunungan ay biyaya
Ibahagi, ‘wag magsawa.

Kawawa ang sambayanan
Kung palaging iisahan
Ang 4Ps, pera ng bayan
Hindi ng angkang kawatan

Panloloko ay tigilan
Pandarambong ay tutulan
Diktadura ay labanan
Kabataan, mata’y buksan

Bagong bayani kaylangan
Karununga’y kalayaan.
Malalawak ang larangan
Sambayana’y paglingkuran
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
Michelle Yao Dec 2017
Nung ika'y aking nakita,
pakiramdam para sayo ay wala,
Ngunit di nagtagal,
Naglaro si kupido at tadhana.

Pinana ng pana ni kupido
at binaluktot ni tadhana
landas nating dalawa

Isang araw, nakita kita sa isang tabi,
ika'y nilapitan at pinangiti,
Hnaggang isang gabi,
Puso'y di mapigilan, sinigaw sayo
Mahal kita, aking sinta!

Nung naging tayo.
Walang umangal ng kung ano,
Hanggang sa dumating ang araw na
tayo'y pinaglayo.

Hindi kinaya ang pagkukulang,
kaya winakasan,
sapagkat sandata ng kalawakan,
oras at distansiya ating kinakalaban.

Bakit kailangan ganito?
Pero anu pa bang magagawa ko?
Huli na lahat, para ipaglaban ko,
pag-ibig na binalewala ko.

Kasalanan ko,
Pagdurusang dinaranas ko.

— The End —