Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Donward Bughaw Apr 2019
Sino ka para limitahan ako
sa making kalayaan sa murang edad
na kung tutuusin ay
batbat pa ng pakikipagsapalaran?
Maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.

Sino ka?
Sino ka, at naisipang unti-unting kitlan ako ng buhay;
Akong sinasabing
'pag-asa ng' inyong 'bayan'
ngayon ba'y magiging
kalaban ng estado't pamahalaan,
nang batas ng taong
tutugis at pipiit sa akin
sa loob ng kulungang nakahandang pumatay
ng kinabukasan?
Ako dapat ay malaya,
malayang maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.
Ang tulang ito ay base sa isyung pagbaba ng edad ng liyabilidad mula 15 hanggang 9 na taong gulang.
kingjay Oct 2019
Unti-unting naghahari ang dilim
Sa sulok ng lumang kamalig
Isang papel at lapis
na hinahawakan nang mahigpit

At ang buwan ay sumisilong
Sa anino ng mundo
Batbat ng bituin ang langit
Sa bulag na panganoorin

May galak na maiguguhit
Sa kapintasan ng tinta
Ang saysay ng buhay malilirip
Sa kumukutitap na lampara

Lahat ay nakapiring
Habang sa luklukan ang gabi
Nalilingid ang katotohanan
Ngunit maaaring isulat ng pipi

Luluha ang birhen
Sa awit ng mga pipit
Ang pagsasalaysay sa buhay
Ay kapana kapanabik
Kung may hirap at pasakit

Ngunit hanggang kailan ang pagtitiis
sa lumulubog na kapalaran
Umaaninag sa pawid at
Sa mukhang nagugululumihanan

Lumilipas ang sandali nang marahan
Mahirap suyuin ang hangin
Hindi madali ang mabuhay
Magpatangay sana upang makalaya
gaya ng lumulutang na saranggola
sa habag ng gabi't tala
kingjay Jan 2019
Ilang paglalarawan pa sa takipsilim para ikintal na nakayuko nang namimighati
Bigyan sana nang malawak na karunungan
para makapagpasya sa huling hapon at hapunan

Paano isalaysay ang naganap
kung ang sinta ay laging hanap
Bihira kumain-nangangayayat
Nauutal sa una at panapos na  pantig ng pangalan ng liyag

Sa hindi inaasahan ang kamay niya'y hiningi
ng binata na kakilala't nanligaw
Ipinangalandakan ang kasikatan
Lahat ng kayamanan ng Antigo ay kuyom ng kamay

Hindi tubo sa lugar-isang dayo
Magaling sa panunuyo, sanay makipagsalamuha sa kapwa-tao
Batbat ng salapi ang anino
Mabulaklak ang dila at minsan ay palabiro

Ilang buwan pa ang inalis sa kalendaryo
at nangyari nang biglaan
Unang pagkakataon na nasilayan na nakabelo
Saan ba tutungo?

— The End —