Ngayong araw ako'y siyang naatasan
Na ipakilala ang ating kaybigan
Mahirap sabihin, ang inyo nang alam
Kaylangang galing nya'y bigyang katarungan
Sikat sadya itong ating kaibigan
Pang-showbiz ang dating, pinagkakagul'han
Pagkat nang magsabog d’yos ng kagwapuhan
Tabo lang dala ko, sa kanya'y "orocan"
Ngunit bahagi lang 'yon ng katangian
Kung bakit sya'y tunay na hinahangaan
Talino at t’yaga ang kanyang puhunan
Sa pag-aaral ng buhay, kalikasan
Sya'y taong tunay ang angking kabaitan
Na dama ng tao, hayop at halaman
Sa dami ng kanyang lathalaing-agham
Sierra Madre'y nginig, kapag nagtimbangan
Palaka, butiki, ahas at butaan
Nang dahil sa kanya'y lalong natutunan
Lumaki't lumawak ating kaalaman
Kung kaya't umani laksang karangalan
Alam kong sa bawat uri ng palaka
O ibang buhay na sa mundo'y mawala
Kasama natin s’yang lungkot na luluha
Pagkat magkaugnay ang lahat sa lupa
Dedikasyon niya ay dapat tularan
Ipakilala s’ya'y isang karangalan
Si Arvin Diesmos po, Syentistang huwaran
Samahan n'yo akong siya'y palakpakan!
Para kay kaibigang Arvin C. Diesmos, Ph.D.; [For my friend Arvin C. Diesmos, Ph.D.]. This poem was read as introduction to Dr. Arvin C. Diesmos who was a Plenary Speaker at CLADES Summit, organized by the UPLB Museum of Natural History.