Kung sakaling mapadpad
Dito ang balahibo ng pakpak
Ni Icarus, huwag **** hayaang
Mawaglit sa iyong isip ang bilin
Ko ukol sa ika-10 ng Enero.
Ito ang araw kung kailan nagpasya
Ang buwan na yakapin ang araw,
Hindi dahil sa tiyak na liwanag,
Kundi dahil sa katiyakan ng hiwaga.
Kasabay ng metapisikal na pagniniig
Na ito ang huling hatol ng Daruanak
Sa Binibining nabighani sa binistay
Na luha ng makata.
Makikita pa sa panganorin ang unang
Sulyap sa huling alapaap ng dilim.
Ngunit wala na ang kulog, maging
Ang pagkahulog sa bitag ng ligalig.
Alalahanin mo na lang ang dagat at
Ang pangako nitong kapahingahan
Kung sakaling sa paghahanap natin
Sa bahag-hari ay wala na sa ating
Maiwan kundi mga guho, mga mumo
Ng mga musmos na puso. Ang
Mahalaga lahat ng ito'y nakatalá na
Sa mga tála.