Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member

Members

Poems

Lord, para kang driver ng shuttle. Sa bawat pagpara ng mga tauhan, humihinto ka. Ang bawat isa’y may tangang istorya at pawang may mga kakambal na destinasyon.

Sa dilim, tanging ang ilaw mo ang nagbibigay pag-asa sa mga tambay at naghihintay na pagkatao. Hindi mahalaga sayo kung matagal na silang nag-aabang o kararating lang nila sa tagpuan.

Hindi naman lingid sa aming kaalaman na diretso lamang ang daan; alam naming dumaraan Ka talaga sa amin at minsan ayaw lang talaga naming pumara. Kung malayo kami’t nasa eskinita pa; kami ang nararapat na maglakad patungo sayo at maghintay. Minsan nga lang mahuhuli kami sa oras, pero babalik ka naman para sa amin.

Hindi ka napapagod pagbuksan ng pinto ang bawat pasahero; kahit may lakas naman ang bawat isa. Isasara mo ang naturang pinto nang kami’y maging ligtas.

Matulog man ang isa sa amin, ang byahe’y isang hele. Minsan talaga malubak lalo sa tigang na kapatagan. Sa bawat alikabok at aspaltong sinsayaran; nananatili ka sa iyong pagmamaneho.

Minsan, mabilis ang takbo; minsan mabagal. Tulad ng bawat panalangin; minsan agapan **** sinusolusyunan; minsan naman, tinuturuan mo ang bawat puso kung ano ba talaga ang "paghihintay." Pero alam namin -- mabilis man o mabagal ang takbo; hawak Mo ang oras at tanging kaligtasan at kabutihan lamang ang alay Mo sa amin.

Sa pangunguna mo, salamat po pagkat may iisang direksyon ang biyahe. Alam namin ang patutunguhan buhat sa karatulang nasa salamin. Pag sinabi naming “Dito na lang,” muli kang humihinto at muli kaming pinagbubuksan para lumisan. Hindi ito paalam; bagkus, bukas ay sasakay muli at tayo’y magkikita sa lagi nating tagpuan.

“Alam mo kung nasaan ako; hihintayin Kita. Lord, salamat sa kaligtasan.”