Nakasisilaw* sa Kapitolyo Sa sentro ng siyudad Tatak ng probinsyang pabo.
Sari't sari ang trayanggulong baligtad Nasa ere silang kumukumpas At tila ba may spotlight sa norte paroon "City of the Living God," Inukit sa tabla ng di kilalang manlililok.
Minsan ding naging "City in the Forest," Sabi pa sa balita'y "Safest place in the Philippines" Bagkus ang pagmimina'y tuloy pa rin Lalo na sa Rio Tuba na ramdam ang Climate Change.
Dagdagan pa ng pamimihasa ng PALECO Hihiramin nang saglit ang kakaunting ilaw at hangin Nang di maglao'y mapa-"OO" ang lahat Sa mungkahi nilang planta ng pagbabago.
Bulag sila't barado ang isip Kikitilin ang hanapbuhay ng mga residente Walang kamalay-malay ang iilan Ito'y mitsa na pala ng pagdarahop.
Hahalayin ang tigang na lupa Bubungkalin raw ang kinabukasan Bagkus ang pawis ay sa atin Tayo'y alila ng karatig-bansa Dayuhan sa sariling bayan.
Titirik sila sa espasyo Bisig ng tabing-dagat na buhangi'y sutla Inosente nga sa Salvage Zone Paano pa kaya pag naimplementa na?
Likido ang bawat anino sa semento Tumatakbo't tumatagpo sa iba't ibang direksyon Hindi makapuswit ang mga sasakyan Maging ang simpleng harurot Ng munting bisekleta ni Juan.
Doon ko nasilayan ang magigiting na pulis Taas-noong suot ang uniporme At iilang traffic enforcer Na wala sa linyang puti.
Tila bawat uri ng katauha'y nasa parada Kung hindi man, Sa iilang personang lumalabas-pasok sa eksena Kukuha ng larawan, akala mo eksperto Hindi naman pala Ayos, selfie pala ang gusto Dekorasyon ang mga artistang Netibo.
Bawat munisipyo'y may nagsisilbing pambato Makukulay ang mga sasakya't pudpod ng disenyo Na sa kahit sa palamuti'y maitaas ang munisipyo Buhat sa pagkabiktima ng gobyernong manloloko.
Highlight nga ang Street Dancing Aba't ang layo ng kanilang lakarin At sa bawat kanto'y sasabay Sa saliw ng Remix na musikang inihain.
Nalugmok ang puso ko Bagamat ito'y nararapat na saya ang dulot Ito'y nagsisilbing maskara na lamang Nakasanayan, naging tradisyon Ang kulturang laging may bahid ng eleksyon.
Nakaririmarim ang iilang nasa trono Pinalibutan ng berdeng hardin ang sentro Bulong ng Supplierdoble pala ang presyo Aba't sige nga, saan nila ibubulsa? Kung ang kanila'y umaapaw pa.
Bagamat ang lahat ay nasa bilog Paikut-ikot tayo sa animong sitwasyon Tanging takbuhan nati'y ang Maykapal Na hanggang sa huli'y magwawasto ng bawat kamalian.
Sa probinsyang kinalalagyan Ito'y nag-aalab na espada ng lipunan Bawat isa'y responsable't may pananagutan Tamang dedikasyon sa sandigang bayan.
Walang masama sa pagiging alarma Maging aktibo ka, kabataan Ikaw ang pag-asa ng Perlas ng Silanganan Abutin mo yaong pangarap at manindigan Hindi pansarili, bagkus pag sa tuktok na'y Gawin ang tanging tama Na naaayon sa batas ng higit na Nakatataas.