Mga pangarap ay nasa alapaap pa, Susungkitin gamit ang pagsisikap Pag-asa at pananampalataya.
Minsan, hinahanap ko pa rin ang sarili — Habang sa mga mata ng iba'y Doon pa rin pala ako nananalamin. At baka sa paligid ay naroon ang ligaya Kahit alam ko namang Isa lamang itong patibong.
May mga katauhang nagpapaalala saking Gusto ko ring marating kung nasaan man sila. O makihati man lang sa mga bituing Nasa kamay na nila ngayon Habang ako’y naghihintay pa rin Sa sarili kong panahon.
Binabalot ng dilim ang aking puso Bagamat ako’y lumalantad sa liwanag. Naghihikahos at nangugusap Ang damdaming namahay na sa parang.
Nakakapagod palang mangarap Na tila ba ako’y pinaglipasan na ng panahon. Tila ba wala nang tala para sa’kin. Akala mo ‘yun na, Kaya ibibigay mo ang lahat Ngunit uuwi ka pa ring luhaan Pagkat paulit-ulit ka na ring nasaktan.
Saan na nga ba ibabaling ang tingin? Kung ang lahat ng pinto ay kusang sumasara… Kung ang lahat ng balik ay pait at hagupit… Kanino na nga ba magtitiwala pa? Sa sarili ba o sa kanila?
Sa kabila ng bigat ng aking mundo'y Nariyan pa rin ang Liwanag Ni hindi Sya natitinag Kahit ako mismo ang mang-iwan…
At kung ang Liwanay ay walang kapaguran, Ay baka 'yun na rin ang dahilan Kung bakit mas nararapat ko pa ring piliin Ang pag-usad kahit pa nasasaktan.
At baka sa dulo ng Liwanag, Ay naroon ang gantimpala Na kahit ang mundong ito'y Hindi makapagbibigay.