Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2022
112622

Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan
Bagamat may iilang tekstong isinawalang-bahala na.
Mga pahinang hindi na nagawaran
Ng konkretong kalinawagan
Bunsod sa kusang pagpapasakop natin
Sa mga banyagang hayagang dumidikta
Sa ating kultura maging adhikain.

Hindi man natin nalimot
Na tayo’y minsang nakipisan sa mga bahay kubo,
Tayo pa rin ay tumawid sa lubid ng kamangmangan —
Ilang ulit na‘t tila ba hindi na tayo natuto sa mga kamalian ng nakaraan
Hindi lang tayo basta nabitag,
Bagkus rehas ay atin pang ipinagtibay.

Oo, tayo lang naman ang bumihag sa ating mga sarili
Kusang sumiping at nagpatali
Hanggang huli na nang mamalayang
Hirap na pala tayong kumawala
Sa mga buhol na tayo mismo ang may sulsi.

Iniibig natin ang Pilipinas gamit ang ating bibig
Ngunit ang bandilang ating iwinawagayway
Ay hindi na pala ang sariling atin.
Hindi masamang makisabay sa uso
Ngunit wag nating kaligtaan na tayo’y mga Anak ng Bayan.

Hindi rin mainam na tayo’y magpasakop
Sa samu’t saring ideolohiyang inihahain sa atin.
Pagkat hindi porket nasa hapag na’y
Ito’y para sa ating upang nanamnamin.
Wag kang hangal, Inang Bayan!

Isinisiwalat natin na tayo’y tunay na mga kayumanggi
Gamit ang mga sandatang hiram
Ngunit sa ating pakikibaka’y
Hindi ba sapat ang ating armas
At kailangan pang umasa sa kanilang lunas?

Pluma ang naging sandata noon
Ngunit maging ang ating Bayani’y
Hinayaan na nating maging pipi.
Mga lata’y maiingay
Sa araw-araw nating pakikipagkalakal.

Kahit saan tayo sumipat,
Tayo’y natutukso pa rin —
Bumibigay at bumibitaw, nalilimot maging tapat.
Aahon nang nakapikit,
Maging lenggwahe’y pahiram na rin.

At kung tayo ang huhusga
Sa ating walang modong mga nagawa’y
Linisin natin ang sarili nating mga dumi’t
Wag nang hayaang maging pabigat sa iba.

At Bandilang ginula-gulanit
Ay sama-sama nating susulsihing muli
Nang ang mga galos ng nakaraa’y
Maging umaapaw na pabaon sa ating mga iiwan.

Sa pamamagitan ng ating pagbubuklod,
Tayo’y magiging isang buong Pamilya.
At magbabalik ang sigla
Na minsan nating hinayaang kainin ng mga bukbok
At anay ng ating pagkawatak-watak.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems