Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan At baka sinasabi nilang Naging iba na rin ang ating pamamaraan Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.
Tila ba nais nila tayong patahimikin Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin. Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo Sa ninanais nating komposisyon.
Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami — Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat — At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.
Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin Ang bawat guhit sa ating mga palad At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.
At sa muling pagdungaw natin Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y Mahahanap din natin ang mga kasagutan Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.
Marahil nasisilayan nila tayo sa lente Kung saan sila'y nakamulat na Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim — At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y Nagmistulang mga malalaking batong balakid Patungo sa liwanag at kalayaan Na nais nating tuklasin nang mag-isa.
Marahil hindi nila tayo maintindihan Sa mga oras na ang lahat ay abala Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.
At walang sinuman ang may kagustuhang maguho Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan Habang tayo'y pinagmamasdan ng mapanghusgang lipunan Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.
Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod Sa samu’t saring mga palamuting Makinang pa sa ating mga kasuota’y Doon pala natin maihihimlay ang sarili Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.
Hubad ang ating mga pagkatao Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim Habang tayo'y pansamantalang naging libingan Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.
Ang ating pagsambit ng mga katagang Tayo lamang ang nakaiintindi Ay isa na palang patandaan Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.
Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay, Walang aninong nagbibigay-tulong Sa bawat kahong ating binubuksan Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.
Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay Kung saan tayo kayang tangayin Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.
At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami, Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili. Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy, At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.
Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula — Sa simula kung saan ang pag-asa Ay tila ba kurtina sa ating mga mata At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang Na handa nang igawad sa atin ng panahon.
Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin. Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.
Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli, Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda Ng ating hayagang pagsambit Na tayo'y nanatiling matatag Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.
At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap, Kung saan ang ating lakas at inspirasyon Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.
Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod. At marahil sa ganitong paraan di’y Mananatili tayong mapagkumbaba.
Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan. At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat Sa babasaging garapon ng ating mga palad Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.
Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.
Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok. Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga Pagkat hindi pa rin tayo humahantong Sa hindi natin muling pagmulat.
At kailanma’y hindi mauubos At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob At sapilitang isiunusubo sa atin Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.
Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan, Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.
Tila ba tayo’y muling binasbasan Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan. Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan. At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.
At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.
At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa Kung ano nga ba ang magiging katapusan Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.
Ang ating pagyukod At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y Isa palang pagsulyap sa kinabukasang Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.
At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan Kung bakit nais nating lumipad At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.