Kung kaya lang nating saluhin ang bawat hinagpis, Ang bawat sentimong Tinutunaw ng humahagulgol na kalangitan. At kung kaya lang natin syang sabayan Sa mga gabing tinutukso na sya ng antok, Tinutuklaw papalayo sa nais nyang direksyon.
Ngunit hindi sya magpapaubaya’t Mananatili syang gising Na parang naghihintay ng panibagong panimula — Ng bagong punlang ihahasik at ihahabilin sa kanya Ng tinuturing nyang “mahiwaga.”
At balang araw ay darating ang kanyang gantimpala, Pagkat walang ibang naging saksi Sa bawat butil na isinisilang Na sya mismo ang nakikiramay.
At sa bawat burol Ay nauubusan na rin sya ng dahilan Sa kanyang pagtatago at pakikipaghabulan. Pagkat sya na rin mismo ang nagiging libingan Ngunit sya’y tatahan at maghahanap ng tahanan.
Patuloy ang kanyang panlilimos, Patuloy ang kanyang pagkauhaw, Ngunit patuloy din syang umaahon — Yayakapin ang sarili’t tatahan.