May mga gabing kukuha tayo ng pluma’t Kakatha ng mga himig sa ating isipang Itinuturing nating mga bala’t sandata Laban sa mga nanghihimasok na mga ideolohiyang Kumikitil sa ating nag-aalab na mga pangarap.
At may mga gabing Isusulsi pa rin natin nang magdamagan Ang mga alaalang pinunit ng kasaysayan. At siguro nga’y wala na rin tayong Ibang kuwentong maiaambag pa. Marahil ang lahat ay maging tuldok Bilang panimula’t pangwakas.
Kusa ang ating pagtiklop Bagama’t manhid na tayo Sa malamig na pag-ihip at pagsipol Ng bumubugang panahon.
At maghahagilap pa rin tayo ng dahilan Sa bawat puwang, sa bawat patlang Na bumabalandra sa ating harapan Sa bawat pagkabit sa araw Na parang mga parol pagsapit ng kapaskuhan.
At siguro nga’y magugulat tayo Sa paparating na sorpresa Na hindi na tadhana ang may akda. Na baka bukas o sa makalawa’y Ibang lenggwahe na ang ating binibigkas At ang ating mga kasuota’y Mapupuno ng mga palamuting Pinili at tunay ngang may basbas.