Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2021
110221

Bakit nga ba pilit nating sinusugatan ang ating mga kamay?
At hinahayaan nating ang ating dugo'y masayang
Sa pagluha nito, hanggang sa maubusan na rin tayo ng hininga.

Ikinukubli pa rin nating ang ating mga sarili
Sa garapon ng ating pagkataong
Kailanma'y walang ibang magbubukas ng sagradong pintuan
Kundi tayo't tayo pa rin naman.

At paulit-ulit tayong humihinga sa ilalim ng makakapal na ulap
At sabay na lalanghap ng umuusok na pangambang
Ibinalot sa apoy na lagim ang tanging ipinupunla
Sa ating mga pusong wala pa noong kamalay-malay.

Tinutukso tayo ng mga sitwasyon upang tayo'y magpaubaya
At magpa-anod na lamang sa mga kumunoy na hihila sa atin pababa.
Ang ating mga halakhakan noong kabataan
Ay mga pangarap na sabay na iginuhit sa buhanginan
Ay tuluyan nang binura ng dagat na tila walang pakiramdam.

Gustuhin man nating umahon nang sabay
Ay kailangan may isa sa ating unang bumitaw at unang umahon.
Hindi na nga natin kayang sumabay sa isa't isa
Ngunit sana'y ang nasa unahan,
Siya rin ang unang mag-abot ng kanyang kamay
Para sa isang nalulunod pa.

Napapagod ako ngunit matapang kong hinaharap
Ang mga pagkakataon bagamat wala akong kasiguraduhan.
At sana sa panahong panatag na ang mga pusong
Naligaw sa sariling mga pasya't pangarap
Ay masilayan nating muli ang pagtahan ng mga matang
Buong buhay na lumuluha't nanlilimos ng pagpapatawad.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems