Ayoko na lamang bilangin ang mga oras Na nasisinagan pa tayo ng araw, Maghahabulan at magtatampisaw na parang mga basang sisiw Sa hubad na kalsadang naunang pagalitan ng langit.
Naaalala ko pa noong elementarya'y Sabay tayong papasok sa eskwela Matapos humigop ng mainit na sopas ni Nanay. At minsan nga'y nakalilimutan nyang hanguin ito nang maaga Kaya matapos nating kumain ay sabay rin tayong magtatawanan At maglalaro ng "tag-tagan" patungo sa kanto sa sakayan.
Hindi ba't pumupunta pa nga tayo sa may bandang iskwater, Makapaglaro lang ng pitsaw sa dati nating mga kaklase? Nagagalit kasi si Nanay kapag sa bahay natin sila niyayaya At magkakalat ang putik sa ating sahig Kasi pati si Bantay ay nakisali sa paghuhukay.
Ilang beses din tayong naligo sa dagat Kahit na ang sabi ni Tatay ay manginas muna tayo Habang siya ay nasa laot pa. Pero uuwi tayong mga basa at walang pang-ulam na pasalubong Kaya muli tayong mapagagalitan Kasi ang titigas daw ng mga ulo natin.
Hindi ba nahuli ako sa eskwela noon na nangongopya sa'yo? Tapos sinabi mo sa titser na ikaw ang nangongopya at 'di ako? Hindi ko kasi makalimutan yun Kasi pag-uwi natin sa bahay, ako pa yung nagtampo sayo Nung ikaw yung unang pumili sa doughnut na dala ni Tatay.
At nung gabing iyon, hindi ako tumabi sa'yong matulog Ang sabi ko pa ay ayaw na kitang makita muli Kasi naghalo-halo na yung nasa utak ko. Pero alam mo ba, na sa mga oras na yun Hindi ko talaga inaasahang seseryosohin mo yun.
Kaya noong maggising na lamang ako'y Nagulat akong wala sila Nanay at Tatay At si Aling Rosing pa ang nagsabi sa'kin Kung ano ang mga nangyari At kung saan ako pupunta.
Sinabi ko na ngang ayoko na magbilang ng mga oras, Pero heto pa rin ako... At taon-taon akong nangungulila at nagsisisi.
Siguro nga kung hindi ako natulog agad Ay baka may naggawa pa ako. Siguro nga kung hindi ko sinabi ang mga iyon, Ay hindi mo ring magagawang umalis.
At siguro nga kung hindi ako nagtampo'y Wala naman talaga tayong pag-aawayan. Hindi ka rin hahanapin nila Nanay sa gitna ng gabi At hindi sila masasagasaan ng tren para iligtas ka lang.
Siguro nga, pero huli na ang lahat eh Wala na kayong lahat at iniwan n'yo na 'kong mag-isa. Sana sa huli kong pagbisita'y mawala na rin ang lahat ng bigat, Mawala na ang pagkamuhi ko sa sarili ko, Kasi pagod na ako... Pagod na pagod na ako.