Mauubos na naman ang mga pahina ng kalendaryo, Sabay-sabay nating pupunitin Kalakip ang bawat pangakong Akala nating matutupad sa kasalukuyan.
Gayunpaman, ang lahat ng ating tinatamasa’y Tunay ngang may iisang Tagapagbigay ng Biyaya.. Mag-iba man ang anyo ng Kanyang pag-ibig, Mag-iba man ang ihip ng hangin, Maging mitsa man ang mga delubyo Ng saklolo sa pawang dalampasigan at kabundukan, Ay Hindi pa rin titigil ang ating pagsamba.
Naubos na ang mga taong nagsasabit ng parol Sa kani-kanilang tahana’y Patuloy pa rin ang ating pananampalatayang Matatamasa natin ang mga pangako Niyang Gaya ng mga bituing Pahiwatig Nya Kay Abraham.
Ang bahaghari na naging simbolo ng iba’y May iisa pa ring pangakong ibinabandera Sa mga totoong may pananampalataya. Tayo'y nagpapalit-anyo Sa bawat pagsipat ng mga pagsubok, Sa bawat pagsirit ng mga tanikalang Akala ng dilim ay tutupok sa ating mga lampara Habang tayo’y naghihintay — Naghihintay sa pagbabalik ng ating Hari Na Siya ring kabiyak ng ating kabuuan.
Sa bawat araw na lumipas at lilipas pa’y Wag nating kalimutang Ito ang taong tayo’y nagpatuloy Sa ating pakikibaka sa kadiliman. At tayo’y patuloy na bumangon Sa kabila ng mga nakatatalisod Na paghuhukom ng mundo.