Humihikab na naman ang kalawakan, Natutulog ang mga bituing Patay-sindi kung magparamdam. At ang bagong-gising na buwan ay sumisigaw Na parang mga pinag-samasamang alikabok At syang isinaboy sa garapon ng buhay.
Kusang nagtutuklapan ang mga nakahilerang pader Na pinino na parang mga buhangin sa dalampasigan. Habang paisa-isang nagbabato ng galit Ang mitikolosong likido na tumataboy Sa mga ekstranghero ng sanlibutan.
Nagsisimula na ring gumapang ang pananim Na ang binhi'y hiningahan ng kariktan. At sa malalambot na mga ulap Ay magtatapat ito ng kanyang paghanga.
Hinahawi na parang mga bagong pitas na rosas sa hardin Ang bawat bungang muling ihahasik sa pagsapit ng dilim. At sa ikalawang pagbangon ng binhing pinagmulan ng lahat Ay masasaksihan ng bawat nilalang Ang sinasabi nitong liwanag na bubulag sa lahat.