Lumilipas ang mga araw Na tayo’y waring mga plumang Nauubusan ng tinta. At habang tumatagas Ang huling patak sa ating mga timba’y Ayaw pa rin nating magmadaling gumayak At magpatangay sa mga sinag ng araw.
Sa unang mga paglisan ay nauubos pa ang ating mga luha Ngunit sa mga sumusunod na kabanata’y Tayo’y minamanhid ng tadhana. Kasabay ng pag-usbong ng mga buhok na luma'y Kumukupas ang mga larawang Dati'y araw-araw na pinupunasan.
Ang bawat batiang noo'y nakatagas ang ngiti'y Magiging pasalubong na may ibang palamuti. Kaya naman ang hamon sa nalalabing panahon, Ay ating sabayan ang agos Habang ang lahat ay nakadilat pa. Pag-ibig na laan at bihis sa ati'y Maging kumikinang na diyamanteng Sasalamin at aakap sa iba.