Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang Na araw-araw na sumasalubong sa'kin Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.
Silang mga nakabihis ng puti Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan At bagamat hindi ko rin wari Ang lenggwahe na kanilang taglay, Ay para bang kampante akong Sila’y akayin at alalayang maitawid Sa bawat araw nang may galak sa puso.
Tila ba sa bawat araw Na itiunuro sa akin ni Tatay noon, Ay natututo na rin akong Makiramdam at makialam. Ito yung tipong kaya ko na rin palang Arugain ang hindi akin Ngunit ang bawat binhi Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.
T'wing nakatirik ang araw Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling Gumayak na't lisanin ang aking higaan At kamustahin ang mga ito.
Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin, At balewala ang putikang aking sasadyain. Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang Lubugan na ako ng araw Bago ko pa yakapin ang responsibilidad Na iniatang nya sa akin.
Sa yaman ng kalikasan Ay wala na akong magiging dahilan pa Upang kalimutan ang aking pagkatawag At sila’y pabayaan Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang. Silang sa pagsapit ng dilim Ay nakabantay lamang at handang sunggabin Ang bawat naliligaw ng landas.
Sa tubig, sa batis at ilog Ay akin naman silang aalalayan Ang galak ko habang sila'y hinahayaang Busugin ang kanilang mga sarili Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas. Pagkat dito ko sila nasisilayan At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.
Ni hindi ko na kailangang maglakbay Patungo sa kung saan mang siyudad Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan Pagkat sa akin ay sapat na Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.
Malayo pa ang umagang Kami’y maghahawak kamay. Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.
At naniniwala akong Darating ang umagang iyon. Maghihintay lamang ako Habang ang kanyang pamana’y Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.