Malalim na ang gabi Habang sumisimangot ang alaala. Ngunit magka ganoon ma’y Kaya itong patahimikin Ng pabulong na paghikbi Ng ulang isinalin sa garapon.
Ang alat ng karagata’y Syang sumalo sa mga binhing magagaspang. At nagmistulang mga pamaypay ang mga alitaptap Sa kanilang pagsalubong Sa pira-pirasong bangkang nilamon ng dagat.
Ang kumot na walang hangganan Ay nagsilbing maskara Upang pansamantalang hilumin Ang tinaboy at isinuka ng naglalagablab Na hindi nakasusunog.
At ang apoy na taglay nito’y Sya ring naging panghilamos Ng pininta ng kidlat at kalangitan Na syang sumuklob sa kanyang pamumuno.
Walang numerong mailimbag Buhat sa sapilitang pagnanakaw At pataksil na paglisan Ng mga abong naging multo.
At doon naging pamatid-uhaw Ang mga halik na ipinagtagpi-tagpi Ng mga luhang maalat at walang direksyon.
Tila ito na ang pagmartsa Ng kani-kanilang mga multo Patungo sa libingang walang mga pangalan. Silang mga walang mukha At tanging abong ipinag-isa sa karagatan.