Kasabay ng aking pagpikit Ang pagsilip ko sa panaginip sa aking isipan. Namumukod tangi ang Iyong kagandahan At Ikaw ang nag-iisang kumikinang sa aking paningin.
Napapasilip ako Sa likod ng lahat ng napakagandang palamuti, Pagkat nariyan pala ang tunay na may-akda ng lahat. Pagkat sa kabila ng naghihiyawang palakpakan, Sa kabila ng mga ngiting bumabandera sa aking harapan -- Ang dahilan ng aking kalakasan.
Pagdilat ko'y tila bukang-liwayway na, Hindi kumupas ang Iyong kagandahan. Muli kong kinapa ang aking bulsa, At muling naghagilap ng anumang umiingay sa aking kalupi. Dahan-dahan kong pinakiramdaman Ang magaspang na katauhang gawa sa pilak. At buhat sa pagkakamulat, Ay dahan-dahan akong pumikit Na tila ba sumasabay sa unang pagpatak ng ulan.
Nangungusap sa aking konsensya Ang tinig **** matagal ko nang hanap-hanap. At sa naudlot na istorya sa entablado'y Nagpatuloy ang aking paghahanap. Hinahanap ko kung saan nagmumula Ang tinig **** humihele sa akin At nagbibigay galak sa puso kong Uhaw sa malasakit at pag-ibig na tunay.
Nasaksihan ko ang paglisan ng bawat katauhang Kailan lamang ay nasa akin ang pagtingin, Ngunit ang lahat pala sa kanila'y Syang palamuti at hindi tunay na kabahagi Ng aking istorya.
Patuloy silang nalusaw Gaya ng krayolang nilalaro ko sa apoy Noong ako'y paslit pa lamang. Na ang akala kong bubuhay sa pinipinta kong larawan Ay hindi pala sapat sa magandang imaheng Aking nasasaklawan sa aking imahinasyon.
Kusa silang naglaho na tila ako'y tinakbuhan lamang At marahan akong napaluhod buhat sa aking kinatatayuan. Gusto kong magsalita, gusto kong may masambit.. Gusto ko silang pigilan sa paglisan Pagkat hindi ko ninais na mapag-isa At patuloy na mangulila sa pagmamahal.
Kung pwede lang na sa gitna ng katahimikang ito'y Kaya kong marinig ang sarili kong boses. Kung pwede lang sa gitna ng aking paghihintay at pagsusumamo'y Wag muna silang kumilos at aking mahanap Ang tinig na akala kong susundo sa akin Buhat sa paglimot ko sa aking sarili..
Namukod-tangi ang boses na aking hinahanap, Naririnig ko na ang Kanyang mga yapak Na tila ba patungo at palapit na sa akin. Ngunit hindi ako makagalaw buhat sa pagkakayuko. Ni hindi ko na masilayan pa kung sino ba ang paparating. At dahan-dahan pa rin ang pagpadyak Ng Kanyang sandalyas patungo sa akin.
At habang Siya'y lumalakad, Ay dahan-dahan ding nagbago ang senaryo Na aking kinalalagyan. Narinig ko ang napakalakas na pagpaubaya ng alon, Ang tunog ng kampanang magaan sa aking pakiramdam, At ang mga humiheleng tila mga anghel Na naging mitsa ng pagtatayo ng aking balahibo.
"Nasaan na nga ba ako?" Tanong ko sa aking sarili. At muli kong narinig ang mga nagpupuring anghel Na tila ba walang katapusan ang kanilang galak At ako'y nadadala kung saan.
Hindi ko pa rin mabuksan ang aking mga mata At wala akong masilayan maliban sa dilim Na pilit kong nilalabanan at alisan. Hinahanap ko pa rin ang tinig Nya At nais kong tanggapin ang bawat salita mula sa Kanyang bibig.
Maya-maya pa'y narinig ko Ang isang pamilyar na boses na tumawag sa aking, "Anak." Habang ang aking kamay ay hawak-hawak pa rin Ang pilak na muli ko sanang itatapon sa balon..
"Anak, halika na.. sabi ng doktor, may donor ka na raw.." Sambit ng aking ina habang ako'y akap-akap Sa kanyang mga maiinit na mga bisig. Kusang tumulo ang aking mga luha At sya nama'y humagulgol sa saya.
Walang salita ang sinambit naming dalawa, Ngunit ang kanyang yakap ay humigpit. At naramdaman ko ang kanyang mga luhang Dumadampi sa aking balikat at sa aking damit.
At sa mga oras na iyo'y Ang kanyang yakap ay higit pa sa lahat ng yakap sa mundo Ang luha nya'y tila ba binabalot ng isang hiwagang Nagpapakalma sa aking paghihirap. Ang gaan ng aking pakiramdam, Ang saya ng aking kalooban.
At doon ko natagpuan ang aking hinahanap, At sa aking muling pagmulat Kung saan may liwanag nang maaaninag, Alam ko kung kanino na ako muling lalapit pa.. Alam ko, hindi ko man nasilayan ang lahat Ngunit ang pakiramdam na iyo'y Habambuhay kong nanaisin At pasasalamatan.