Umaga — Oras na naman para bumangon Para buhatin ang sarili At akayin ito Patungo sa walang kasiguraduhan.
Sa mga tala kagabi, Aking pinagnilay-nilayan Ang mga katagang pa-na-hon Na sa mga oras na ito’y sisibol muli Ang pag-asa buhat sa delubyo ng kahapon.
Tinitiis ko ang sinag ng tirik ng araw Para bang hindi nya naisip Na nasasaktan ako — Na sa tuwing bubuksan ko ang aking bintana’y Nariyan sya at tatambad sa akin.. Para bang walang nagbago, Para bang hindi nya ako dinaya kahapon O sa ibang araw pang lumipas.
Gusot ang damit ko, Ni hindi ko man lamang nagawang plantsahin ang damit ko Na para bang sinisigaw ko sa mundo na, “Tama na! Pagod na pagod na ako!” Pero nakatikom pa rin ang aking bibig At pilit akong lumuluhod sa aking mga luhang, “Wag muna, wag muna ngayon.”
Minsan na rin akong nakalasap ng tagumpay Yung tipong minsang bumago sa kung sino ako ngayon, Ito yung minsang alam ko namang may kapalit — Yung panghabambuhay na..
Naniniwala pa rin akong pantay ang pagtingin ng Langit Sa katulad ko at sa katulad nila Kung ang ulan nga‘y Sabay na babagsak sa dukha’t gintong kutsara, Gayundin ang pag-asa.
Hindi ako mapapagod, Hindi ako titigil na bumangon sa umaga Hindi pa rin ako titigil sa pasasalamat — At pagbubuksan ko pa rin ang Umaga.