Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2020
sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya
hindi ko nakakalimutan sabihin ang mga linyang ‘to: “ikaw ang pahinga ko”

pahinga ko pagtapos ng mahabang araw makipagsapalaran sa buhay at para makahabol sa liga
pahinga ko habang naglalakbay mula timog hanggang hilaga
pahinga ko upang mapaalala na ang bawat pagkakataon na makasama siya ay mahalaga
pahinga ko dahil napapakalma niya puso’t isipan ko nang walang bahala

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
ako pala yung unang kakapusin ng hininga,
boses ko’y di na madinig sa sobrang hina,
mag-isa tuwing gabi at ang tanging katabi ay pangamba,
habang nakatitig sa sapot sa kisame na gawa ng gagamba


ngayon,
napagtanto ko na sa mga panahong kinailangan ko siya para maging kalakasan ko,
siya din pala ang magiging dahilan ng kahinaan ko

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
hindi ko namalayan na pa kunti-konti na akong hinihingal,
bumabagal,
na-uutal,
umaangal,
nawawalan ng tamang asal,
nakakalimutan ko na nga din ata mag-dasal.


nakakapagod din pala ‘no?
magpaalala palagi,
kahit na hindi ka maalala,
kaya pahinga muna ako,
kahit ngayon lang,
hihiga muna magpapahinga upang makahinga.
nakakapagod, mapagod.
kahel
Written by
kahel
9.4k
 
Please log in to view and add comments on poems