Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jan 2020
Hindi ko na kilala ang mga sugat na ‘to.
Kung saan ba 'to nanggaling o
paano ba 'to nangyari
Nandito na tayo sa parte ng magulong mundo
na hindi na alam ng mandirigma kung
nasa hilaga ba o nasa timog ang binabaybay.
Kung sino ba ang tunay na kakampi sa hindi
Saan ba gagapang palayo?
Saan itatago ang natitirang pagkatao?

Hindi ko na marinig ang bawat katinig
at patinig ng bawat salita dahil sa ingay.
Kanino ba nanggagaling ang hinaing
Saan nagsimula ang pasaring?
Paano nga ba tayo nakarating dito?

Alam mo, dahil sa’yo.

Gusto kong ipako lahat ang sisi sayo.
Ikaw ‘to. Kasalanan mo. Sinabi ko naman sayo.
Ganyan ka. Mali ka. ‘Di mo maintindihan.
Ikaw; Ikaw lang ang mali.
Alam ko ang bawat kanto
nitong pinasok nating pangako.
Kabisado ko ang bawat pintong nakasarado
Mga pinakatatagong sikreto
Hindi tulad mo.
Hanggang ngayon naliligaw pa din
Kaya tama ako.
Mali ka, tama ako.
Tama ako?
Tama na.

Pero ito ‘yung parte ng laban
na hindi na tayo pwedeng sumuko.
Hindi pwedeng tumakbo
palayo at takasan ang katotohanang
nilakbay natin 'to ng magkasama,
narating natin ‘to sa sarili nating mga paa.
Dahil magkabuhol na
ang mga sintas ng pagkatao natin
at imposibleng ipangalan lang
sa isa ang kasalanan.

Hindi na natin kailangang magpanggap pa
dahil tanggap na
Nadapa tayo. Hindi lang ikaw. Hindi lang ako.
Tayo. Nagkamali tayo.
‘Yun lang ang tamang hinaing
para maitama natin ‘to.
kahel
Written by
kahel
895
 
Please log in to view and add comments on poems