Tinanong ako ng palubog na araw, "Bakit narito kang muli? Sa sampung beses mo akong dinalaw, isa lamang doon ang may dala kang ngiti."
Natawa ako sa katotohanan Oo nga, hindi ko maikakaila "Ika'y aking tinititigan, kaya lamang mukhang may luha ang aking mga mata."
Tila nanginig ito sa halakhak Alam n'ya ang kasinungalingan Na kinumpirma ng isang patak, dalawa, tatlo... hanggang 'di na mapigilan
Binigyan n'ya ako ng maraming kulay bilang sagot Pilit pinapakita ang ganda sa kabila ng lungkot Ngunit ang tanging nakikita ay ang lungkot sa likod ng ganda Ganoon nga siguro talaga kapag nasasaktan ka
Lumisan ako nung lumubog na s'ya Ngunit iniwan n'ya ang kasiguraduhan Na naroon lamang s'ya Upang aking balikan
Umaasang sa aking muling pagbabalik Ang isa sa sampung beses ay maging dalawa At madagdagan pang hitik "Oh haring araw, nawa'y magdilang anghel ka."