Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
Jun Lit
Written by
Jun Lit  M/Los Baños, Philippines
(M/Los Baños, Philippines)   
308
   Jun Lit
Please log in to view and add comments on poems