Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Apr 2019
Sino ka para limitahan ako
sa making kalayaan sa murang edad
na kung tutuusin ay
batbat pa ng pakikipagsapalaran?
Maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.

Sino ka?
Sino ka, at naisipang unti-unting kitlan ako ng buhay;
Akong sinasabing
'pag-asa ng' inyong 'bayan'
ngayon ba'y magiging
kalaban ng estado't pamahalaan,
nang batas ng taong
tutugis at pipiit sa akin
sa loob ng kulungang nakahandang pumatay
ng kinabukasan?
Ako dapat ay malaya,
malayang maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.
Ang tulang ito ay base sa isyung pagbaba ng edad ng liyabilidad mula 15 hanggang 9 na taong gulang.
Donward Bughaw
Written by
Donward Bughaw  19/M/Laparay, Talusan, ZSP
(19/M/Laparay, Talusan, ZSP)   
10.3k
 
Please log in to view and add comments on poems