Pagpanaw ng dilim ako'y namimintana Pinapatay ang panaginip ng hindi alintana Mula sa silangan ng iyong bintana Ang yungib at sulok ay aking pinapana
Pagmasdan ako'y walang nakagagawa Payak na mata'y sa sinag ko'y luluwa Huwag nang subukan pakiusap ko nawa Sa payo ko ay makinig at matuwa
Ako'y nakamasid sa lahat ng mga gawa Sa paghihirap mo ako ang nananawa Sanggol na nagugutom na nagngangawa Hala gawa, nasa Diyos ang awa!
Pakanluran ang aking binabagtas Ang lahat ay umaalma sa pinsala kong lakas Paumanhin sa kapangyarihan kong batas Ito ang iniatang sa akin ng pinakamataas
Lulubog kung marating ang hangganan Magbabadya na ang kadiliman Nang pagdating ko kayo ay nag-alisan Sa pag-alis ko'y diyan kayo magdadatingan