Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2019
Duguan ang puso kong sugatan.
Ang puso kong napag-iwanan.
Ang puso kong pinangakuan, pero hindi pinanindigan.

Hindi ko maintindihan.
Akala ko ba walang iwanan?

Pero sinarhan mo ako ng pinto,
Sumama sa iba, tinalukuran mo ako.
Hindi na ba ako mahalaga
Kaya pinili mo sila?

Sila na nasa ibayong dagat,
Na kahit malayo ay sa kanila ka tapat.
Na kahit animo'y nahihirapan ka...
Sa kanila ka pa rin pumupunta.

Inay! Itay!
Paano naman ako?
Ako na naiwan dito.
Mag-isa dahil wala ka.

Mag-isang tinatahak ang aking buhay,
Walang gabay. Walang kaagapay.
Inay! Itay!
Bakit natin kailangang maghiwalay?

Bakit ba natin kailangang maghiwalay?
Pera? Trabaho?
Ang guminhawa ang buhay ko
Kahit... wala kayo?

Inay! Itay!
Ganito na ba kahirap ang Pilipinas?
Na ang mga magulang ko ay luluwas
Magpapaka-alipin sa mga taong labas?

Hahanap ng dolyar sa amo
Dahil hindi sapat ang piso.
Mag aalaga ng anak ng iba
Habang naiiwan sa Pilipinas ang kanila.

Inay! Itay!
Umuwi na kayo.
Nangungulila na ako.
Nagmamaktol. Nangungulila.
Rena Lyn Bala-oy
Written by
Rena Lyn Bala-oy  20/North Luzon
(20/North Luzon)   
16.3k
 
Please log in to view and add comments on poems