Matalinhaga ang kahapon, ang nagdaang panahon: kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan Tila alon sa dalampasigan itinataboy ng pampang ngunit bumabalik ang mga ala-alang pilit itinatapon, kinakalimutan.
Mga tagpong akala’y isang dipa lamang tila ang pagitan ng lupa at kalangitan ngunit nang tatawirin na’y bangin pala ang kailaliman walang tulay na magdugsong sa sanlibong katanungan sa mga gumuhong moog at nadurog na diyos-diyosan.
Sa sulok ng balintataw isang paslit ang natanaw tumatakbo’t humahabol, sumisigaw tinatawag niyang “Tatay!” iyong nakalagak, isang bangkay sa kabaong na ipapasok, ihihimlay sa nitsong pintado ng puting lantay - labi ng aking amang hinagilap na suhay
Sa lamay ng patay, ang kapeng barako ay buhay bumubukal, walang humpay maalab ang pakikiramay, sawsawan ng tinapay Sa lamay ng patay nagsisikip man ang dibdib magkunwari’y kailangan nagdurugo man ang puso lakas-loob ang kaanyuan
Habang umaagos ang litanya sa labì ng punong magdarasal pumapatak ang ulan ng luha walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa Hindi napapahid ng panyong pinipiga ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa lalo’t ang bayaning inakala ay pasang-krus pala ng inang dinakila
Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan, pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan: Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga
Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag
Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong ng bagong-luto **** pagsalubong Isang lag-ok muli, aasa, susulong kung saan man hahantong . . .