Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2018
Naghihintay ang tasa
malinis, walang laman
sa tagpuang mesa
kahapo’y may kabatuhan
ng "¿Hola? at ¡Puñeta!"
at kanina’y may kapalitan
ng "Hello Sir! Wanna? Wanna?"
nasingitan pa saglit
ng malupit, galit sa langit
na si "Arigatou Nakamura"
At nakipag-rigodon
ang mga payaso’t pirata
at mga magnanakaw – mas ganid pa
sa apatnapu ni Alibaba

Nasaan ba si Ina?
Wala na po dito,
nandun na s’ya’t kahalikan
si "Xie xie, Duō shǎo? Ni hao ma?"

Pagkatapos kumulo
ng tubig sa kaldero ng lipunan
inilagay ko ang isang kutsarang
balawbaw ng galapong
nanggaling sa inipong
butil ng kagitingan
mula sa paanan
ng Malarayat na kabundukan
- kaagad-agad ay bumulwak,
nagngangalit na umawas

Kumakalat ang halimuyak
ng kapeng bagong luto
Naiinip na ang tasa
sa tagpuang mesa
ng bayang talisuyo
Kailan kaya may uupo,
yaong hindi bugaw na pinuno
na pagpuputahin ka
kung kani-kanino,
kundi bayaning lingkod
na hindi ka ipagkakanulo?

Kapatid, kahit isang lagok lang,
Malayo ang lakbayin, dapat nang simulan
Ang mahalaga’y kumikilos, humahakbang
Sulong tayo mga Kabayan . . .
To be translated - Brewed Coffee VI
Jun Lit
Written by
Jun Lit  M/Los Baños, Philippines
(M/Los Baños, Philippines)   
  1.8k
   Jun Lit
Please log in to view and add comments on poems