Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba? Sa mga araw na itinigil natin 'yung oras para ipaalala sa isa't isa Na dito—sa sandaling 'to tayo masaya Dito nagmistulang alapaap 'yung mga nararamdaman natin Sobrang taas nating lumipad Hindi natin napaghandaan 'yung ating paglagapak Sa mga araw na malulugmok tayo Sa sakit Sa poot At ako Sa pag-asang maibabalik pa 'yung mga araw na lilipad tayong muli Ngunit Hindi Tandang-tanda ko 'yung araw na ipinilit kong pabilisin 'yung oras Hanggang sa marating ko 'yung araw na matatanggap kong hindi ka na babalik Ngunit Hindi Hindi ko pa ata kaya Hindi ko pa ata kayang dumilat isang araw nang hindi ka kasama Kaya kahit 'yung sakit papatulan ko na Naririnig ko pa rin naman 'yung pagtibok ng puso mo Ngunit papahina na nang papahina Dahil palayo ka na nang palayo Gusto ko naman marinig ngayon 'yung tunog ng pagbabalik mo Para lang maipaliwanag mo sa 'kin kung kailan unang nalagas 'yung mga pakpak natin O kung aling hangin 'yung nagtulak sa'yo pababa Dahil hindi ko maintindihan Hindi ko maintindihan na kahit ilang beses ko nang itiniwarik 'yung mundo nating dalawa Hindi ko pa rin mahanap 'yung dahilan kung bakit tayo biglang kumawala sa isa't isa Hindi ko rin naman masabing iniwan mo ako sa ere Dahil wala na naman ako sa itaas Na'ndito na ako sa ilalim ng mga alaala nating hinayaan na lang natin sa isang tabi Nang hindi sinusubukan na dagdagang muli Na'ndito ako nagpapadagan sa mundo Habang patuloy lang nang patuloy sa pag-ikot 'to Na'ndito ako sumasabay sa agos ng sarili kong luha Na'ndito ako hinihila 'yung sarili ko pababa Pahingi naman ako ng isa pang pakiramdam Hindi 'yung puro na lang lungkot Puro na lang pait Pahingi ako ng galit Sige, kahit inis o kahit yamot Na kung bakit ako lang 'yung naiwang nagmumukmok Higit sa lahat Pahingi pa rin ako ng pag-asa Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?