Nanlilisik ang Iyong mga mata Sa poot buhat sa paglisan ko sa Iyong tirahan Na noo'y inangkin ko sa pagkupkop Mo sa akin.
Binihasan Mo ako ng demokrasya at kasarinlan Bagkus ako'y natupok ng malagim na nakaraan. Talamak ang pananakit, panghuhusga at pagkamkam At doo'y tila binawi Mo rin ang minsang mga pamana.
Naging mapusok ang aking pagkatao Na sa halip na bumalik Sayo'y Patuloy na nagpakain sa maling istilo. Nagkunwari ako bagkus ako'y natalo Ito ang pagpataw ng madilim na peligro.
Nagniningas ang Iyong mga mata Na tila hubad sa init na pantunaw sa mga nakikita Napapikit ako buhat sa pangamba Hindi na ininda ang taas ng mga nakuha.
Sa pagmulat ko na parang pagbukas ng mga bintana Namungad na pala ang Iyong pagpapala At ang kislap ng Iyong pagtingi'y Syang kalangitan at katuturan para sakin.
Ikaw ang misteryo sa aking kalbaryo Ang tagapaghusgang walang ibang hangad Kundi para sa aking benepisyo. Maghari Ka, Ikaw ang Bituin.