Ganyan lang ginagawa ko sa tuwing ika'y dadaan sa aking harapan Para ang galabog sa aking dibdib ay mabilis na mapagtakpan Dahil ito lang ang alam kong posibleng paraan Upang ang tibok ng aking puso ay mapadahan-dahan Na tanging sayo lamang ilalaan
Ganyan lang iniisip ko sa tuwing wala ng maisagot sa exam Tipong pati pag gamit ng tandang padamdam ay hindi ko na din alam Kung sa pangungusap ba dapat ilagay o sa sariling nararamdaman Bakit bigla ka na lang nagpaalam ng walang paalam Kaya patuloy ang aking walang katapusang pag-aagam-agam
Ganyan lang inaarte ko sa tuwing hinihintay ang napakatagal na order sa kainan Di sapat ang halaga ng lasa pero lulunukin na lang ng walang angal dahil di pa nagtatanghalian Para naman kahit papaano ay magkalaman ang aking tiyan bukod sa mga paru-paro na iyong dahilan Bakit ko nga ba binabalik-balikan ang mga inihain **** iba't ibang ilusyon at kasinungalingan Na hanggang ngayon ay naniniwala pa rin, at patuloy na maniniwala na ikaw at ako ay walang hangganan
Ganyan lang ang sinabi ko sa sarili ko ng makita kang may kasamang iba Nalunod ka lang pala kaya ginawa mo akong salbabida Pero bakit di ko mabago ang daloy ng kwento na ikaw pa rin ang aking pinakamagandang bida Hindi ko makakalimutan ang huling gabi na tayo ay pinagsama ng tadhana Nasa ilalim ng mga maliliwanag na tala at sinusulit ang huling sulyap sa iyong mga mata
Yan lang ang alam kong pwedeng gawin sa mga ganitong sitwasyon, ang maging cool. Na hindi kailangan sa bawat eksena na mangyayari, ay may gawin na aksyon Hinayaan panoorin ang kagandahan ng pag-guho ng ating mga mundo Dahil hindi na maaaring sagipin ang pag-asa, magmukmok man o humagulgol mag-hapon Lalo na't sa panahong kulang ako, naging kulang tayo; sayo.