Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sep 2016
Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Nagpanggap ako na hindi ko alam na sa unang sulong mo pa lang,
Balang araw ay uurong ka rin—maglalakad palabas.
Pero mali ako—mali ako sa parteng dahan-dahan kang aalis—tumakbo ka.
Parang pananahimik ng paborito kong kanta
Pero ang paborito kong kanta ay maaari kong ulitin
Kung sa unang pagkakataon ay hindi ko siya nabigyang-pansin.

Hindi mo naintindihan na hindi lahat ng pagmamahal
Ay maaari lamang patunayan sa mga salitang "mahal kita."
Mahal kita hindi man sa paraang ginusto **** marinig
Pero mahal kita sa mga lumipas na gabing hinehele tayo ng mundo
Habang nakikinig sa mga puso nating nagdadabog hindi dahil sa galit
Kundi dahil sa tindi ng hampas ng ating mga damdamin.
Mahal kita hindi sa paraang tenga mo lang ang magsasaya.
Mahal kita kahit nung panahong gininaw ka sa lamig ng damdamin ko.
Mahal kita nung isang araw na dumaan ka sa harap ko—dumaan ka lang.
At tinakasan ang titig ng aking mga mata.
Mahal kita nung sandaling 'yon na parang hindi mo na ako ginustong makita.

Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Hinawi natin ang kalawakan para pag-ibig naman natin ang mangibabaw.
Nahiya pa nga noon ang mga bituin dahil sa kinang ng ating mga damdamin—
Kinang na nagpabulag sa atin sa katotohanang
Sa dinami-dami naman ng bagay na ikagagaling ng ating pagtatapos
Ay talagang sa panggugulat pa.
Para tayong bitin na kwento—natapos na pero gusto mo pa.

Kaya hanggang ngayon, dinadalaw pa rin ako ng patay nating relasyon.
Hindi lang sa gabi pero sa umaga, sa tanghali, sa hapon—
Sa bawat oras na 'yung paglimot natin sa isa't isa ay parang larong taya-tayaan—
Hindi mahuli taya kundi mahuli tanga.
Pero, oo, tanga na kung tangang ninanais ko pa ring higitin
'Yung damdamin mo pabalik sa 'kin.
Tanga na kung tangang na'ndito pa rin ako kung sa'n mo 'ko binitawan.
Tanga na kung tangang nagkulang ako.
Wala nga sigurong pagkakamali ang maitatama pa.
Ang tanging magagawa ko na lang ay 'wag na 'yun ulitin pa.

Kaya,
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
'Wag ka naman muna humakbang palayo.
Gumawa ULIT tayo ng panibagong alaala.
Magkasama naman nating pakalmahin 'yung bagyong idinulot natin sa isa't isa.
Samahan mo naman ULIT akong humiga sa karagatan
Habang ipinaparinig mo ULIT sa 'kin 'yung kwento kung paano ka natutong lumangoy
Sa sakit, sa hirap, sa lahat ng ibinabato ng mundo sa 'yo.
Ikwento mo naman ULIT sa 'kin. Lahat. Makikinig na ako.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
(a spoken word piece)
sarrahvxlxr
Written by
sarrahvxlxr  F
(F)   
  11.2k
     ---, Gary and Doug Potter
Please log in to view and add comments on poems