Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jul 2016
Oo. Totoo.
Hindi mo na kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
na aakyat pa sa rurok ng bundok
para isigaw ang pangalan ko,
at ipahayag ang nilalaman
ng damdaming nagsisidhi,
sapat na sa akin
ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan
na nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo
sa sinasabi ng ibang tao,
dahil hindi natin kailangan ng kanilang opinyon
para umibig nang wagas
o hanggang sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta
sa kung sino man ang ititibok nitong puso,
hindi natin kailangan ng kanilang opinyon.
Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date na ating mapuntahan
ay kailangang pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libo-libong litrato ang ipo-post mo,
dahil ayaw ko lang mawala
ang pagiging pribado ng ating relasyon,
sapat na sa akin
ang itago mo ang mga litratong ‘yan,
at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang ma-insecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,
hindi ko sila papansinin,
hindi kita niligawan
nang mahigit isang taon para saktan lang,
wala akong **** sa kanila,
ikaw ang mahal ko,
oo, mahal kita,
at tanggap ko kung sino ka,
kung anong mayro’n at wala sa’yo,
dahil mahal kita.
Mahal na mahal,
hindi mo kailangang ma-insecure.
Hindi.    

Lahat ng bagay, ay aking gagawin,
dahil hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”  
sa bawat letra ng mga salitang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ito isang antigong alahas  
na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
pagkatapos ay itatago sa kahon,
at kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon,
mamahalin kita kahit sa ano mang panahon:
tirik man ang araw sa pagtawa
o kulimlim man ang gabi sa pag-iyak.
Mahal kita.
Mahal na mahal,
at hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”
sa mahal lang kita,
kukunin ko ang mga agiw sa ‘yong mga lumang gunita,
pilit kong wasakin ang mga pader
na nakaharang sa ating dalawa.    

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin ang pagsanay sa sarili
sa ‘yong presensya at pagkandili,
sapat na sa akin ang pag-intindi mo
sa mga kamaliang pilit **** binabayo,
mga pagkukulang na pilit **** pinupunan,
at sa mga araw na kahit luha ang nalalasap
ay patuloy ka pa ring nakahawak sa aking mga kamay
at hindi mo ito binitawan.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
pumasok ka sa pinakakasulok ng aking utak,
nang mabatid mo ang mga nakasulat,
nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
ililibot kita,
sa aking nakaraan,
sa aking ngayon
at sa aking bukas,
ilalahad ang pag-aasam na makatakas
sa mga kabiguang natanaw.
Sisirin natin ang pinakailalim ng aking puso,
dito matatagpuan ang pag-ibig
na kailanman hindi mabubura,
hindi maglalaho, para sa nag-iisang ikaw.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan,
dahil alam ko, d’yan sa puso mo,
nakaukit rin ang pangalan ko,
at ang pag-iibigan nating dalawa,
hindi mo na kailangan ipagsigawan pa
dahil alam kong mahal mo rin ako.
Mahal mo ako.  
Mahal na mahal.
Copyright © 2016
JK Cabresos
Written by
JK Cabresos  M/PH
(M/PH)   
51.0k
     deevs and JK Cabresos
Please log in to view and add comments on poems