Lumang musika sa bagong umaga, Nangungulit na insekto, kriminal naman akong ituring. Kinamusta ko ang kapalaran sa'king palad, Tila ako'y nabubuwal sa landas na walang kasiguraduhan.
Naging sagrado't taimtim ang pagsuyo ko sa Langit, Sana'y matamnan ng Kanyang brilyante ang pusong humihikbi; Gaya ng ulap na kampante, gaya ng bantay na tumatahol At gaya ng pagbulong ng makina ng sasakyan na siyang tambay.
Naglalaro ang isip - Nakikipagpatintero sa tadhanang nanglilisik. Minsan, mas mabuti pa ang Diktatoryal kaysa Demokrasya Pagkat ang kalayaan ay nakakapanting-hininga At higit sa lahat, ako'y napapatid ng mga hangal na oportunidad.
Paulit-ulit akong nagbabalot ng kagamitan Nagbabaon ng mga kailangan sa pagbalik sa piniling saltahan. Pero ako'y paulit-ulit ding nauuhaw - Nauuhaw sa tubig na siyang kinasanayan Ang tubig na wika ng aking kasaysayan.
Hindi ako mag-aatubileng iparada ang sarili sa kalsada, Na harangin ang mga sasakyan kahit ako'y masagasaan pa. Kung ganito ang pag-ibig na siyang may martir na ideolohiya, Nais kong maging luwad na siyang hamak na sasalo sa pagbusina sa nag-aalimpuyong pagsinta.
Ang kariktan ng sandali'y walang maikukumpara, Kahit pa ang pagdadalamhati ng bawat oras na may kahati. Hindi ko man mapisil ang tadhanang nasasakdal, Pag-asa ko'y ipinipihit sa bahagharing nangako At siyang hindi mapapako - Ang huling sandali, nailagak na't naipako.