Alaala ang pinakamalapit na tugma Ng mga tala. Kapahina ang kakambal nitong Pinakamapait na salita: Pangungulila. Nang pagtingala Sa buwan na ningas ng maamo **** mukha.
Kaya, sa kawalan ay mapapako. Mapagtatantong Bituin ka sa apat kong dako. Hilaga, Kanluran, Timog, at Silangan. Doon kita matatagpuan.
Ikaw, ang siphayo ng malamig na gabing pinili kong makasanayan. Ikaw na siyang unan, kumot, at hanap-hanap kong dantayan.
Ikaw, ang pinakamataimtim na bulong sa mga bulalakaw. Ang nag-iisang hiyaw. Na kung hahamunin man akong bigyang-kahulugan ang salitang balang-araw, Ang isusulat kong depinisyon ay ikaw; Ang pinakainaabangan kong bukas Matapos sariwain ang kahapon at nakalipas.
Ikaw ang uniberso. Wari'y ang lawak ng kalawakan Maging ang mga kislap nitong hindi pa natutuklasan ninuman, ay hindi sasapat kung ikaw ay aking ilalarawan. Ikaw na napiling pag-alayan ng pag-ibig na matagal kong inipon at iningatan.
At wala akong ibang maramdaman Kundi matuling ikot ng mga planeta At mga nagbabanggaang kometa. Subalit hanggang kailan?
Mahal, kapos ang haba at katahimikan ng gabi para lamang pakinggan ang dalawang pusong nagsisimulang bumuo ng kanilang istorya.
Araw ay marahang pinasisingkit na ang mga mata. Umaga na subalit mahal pa rin kita. Sinta, tinatangi kita.
-wng
I don't have enough words to convince you how real this is; how deep I feel; this is the most I can give you.