Naghalungkat ako Ng mga larawang walang mukha, Kupas na alaala, Walang kulay na sandali, Basura ng pagkukunwari.
Nagkolekta pala ako Ng mga kumikinang na diyamante Mapang-akit at akala ko'y tunay. Pero sila'y pekeng alahas.
Pinunit ko Ang mga sulat na hindi nabasa May mga letrang dayuhan sa papel, Nabubura, natitintaan, natatapalan At nakakalimutan.
Nagbilang ako Ng mga barya, kahit paulit-ulit Hanggang sa maging kulang. Inipon ko,pero hindi sapat, Kaya't gagastusin na lamang Para sa walang saysay na luho.
Nagtupi ako Ng mga damit na gula-gulanit Noo'y bago pa't sabay sa uso. Ayos ang pustura, Pero ngayo'y basahan na, Mabuti pang gupit-gupitin na lang.
Magtatapon ako Ng inaanay na kaha, Walang silbi; walang pag-asa. Kesa sa mabulok itong muli, Hindi niya na kayang iinda ang paglilihim.