Naakit ako sa linyang pahalang at patayo, Mga detalyeng pinira-piraso. Sabi ko sa sarili: saulo ko na ang istilo Mo Pero sa bawat pahina'y nabibighani pa rin ako.
Hindi ko alam kung kaya ko, Magtiyaga man ako pero hanggang kailan kaya? Kung maglalaan ako ng sentimo sa araw-araw, Ako'y pulubi pa ring manlilimos Sayo Sasahod at maghihintay.
Masisilayan ko ang pundasyon Ang mga bakal na kinalawang Sa bodegang inimbakan. Pagkat malayo pa ang byahe, Bagkus sinelyuhan ng langis Ang may tagas ng pagbabago.
Ang halo ng semento, ni hindi naging pribado Nasa hulog ang mga poste Gaya ng minsang banging tinalunan ko. Ako'y malaya sa pagsilip Ng paglapat ng palitada sa tigang na kahong sementado. Ramdam ko ang gaspang ng kahapon, Ang kurba ng mga bakal na di patitibag Sa kaibuturan ng pundasyong timplado.
Ilalatag ang sahig na papagpagan sa araw-araw Ihahalik ang mga paa nang may pagpapakumbaba Huhubarin ang saplot nang kalingain ang lupa At ihihimlay ang mga paa't mamamahinga.
Pagmamasdan ko ang mga kahoy na malapad Isang dipa, dalawang dipa at higit pa Mapapatingin sa langit na hubad sa bituin at buwan. Ang bubong na siyang sasaklolo sa umuubong baga Mga kahoy at bakal na matibay Sasalo sa bigat ng orasyon ng klima.
Bubuksan ko ang bintanang may iba't ibang pagkapinta Ni hindi pumapalya ang eksena na bumubusina sa umaga At sa gabing hamog ang yakap sa dilim, Kagat ng niknik, siyang sining sa maalat kong balat. Tanging kumot ng grasya, Pantago't pantapal sa pagkataong nilalagnat.
Nakakaakit ang plano, maging itsura nito Kaya nga magtiya-tiyaga ako, Hanggang sa masilayan ang tunay na disenyo. Hindi lang ako ang lalaban sa presyo, Oo mahal nga, ganyan ang pagtingin Mo Tataya ako, pagkat kliyente lang ako At alam kong linya Mo yan, Ikaw ang aking Arkitekto.