Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Apr 2016
042416

Pumipiglas sa kadena,
Nagwawalang may pagbubusina.
Walang-wala siya sa datus
Ng iskandalong panglaman-tiyan.

Kilay ay naagnas
Bunsod ng galit na mapagmataas.
Mag-iiskandalo ang ugat sa magaspang na balat,
Siyang bulkan pala ng naghihimutok na alamat.

Lambat ng kahapon, isasaboy sa dagat
Huli'y kaawa-awa sa dinamitang kagat-kagat.
Sisisid kahit di akma ang tono ng tubig,
Lulusong muli't paghihiganti'y bukambibig.

Gamit ang sinulid ng tinapyas na bungangkahoy,
Matutukso ng talim, siya nga palang abuloy.
Istoryang tigang, nginuyang may malasakit,
Paru-paro't bulaklak sa kutsilyo ang kapit.

Kalawang ang uubos sa kadena,
Sa ilang pagpihit ng litratong may ordinansa.
Patay-sindi kaya't pondido ang ilaw,
Pipihitin ang kable't ahas ang tutuklaw.

Ang trono'y walang manggas at naantala,
Pinilihan ng mga oportunistang kanya ring katiwala.
Sapilitang makikipagniig sa kaharian,
Batas ay iluluklok, pantawid sa katuwiran.

Siya'y naghihimagsik sa haliging walang sabit,
Langis ay tagas ng sikmurang kumakalabit.
Gaya ng kahapong titulado ng dilim,
Babagsik ang leong minsang karima-rimarim.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems