Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Apr 2016
para sa Kidapawan*

Diktador ang makinarya.
Maringal ang langit. Walang ulan para
sa pasasalamat. Ang ating tanging pagkakakilanlan
ay pumapaimbulog sa bawat sugat na nagsara.
Muli nila itong bubulatlatin.
Hindi paham ang gatilyo.

Mabilis na matutuyo ang pangako
kung pawawalan ito sa katanghaliang tapat.
Tanaw ng nakabiting ulo ng araw
ang lahat ng nangamatay. Kasabay ng hangin
ang pagpapaluka. Hudyat ng ulan galing
sa ibaba – gigibain ang makapal na barikada
  ng katawan atsaka muling uuwi sa asawa’t anak
na may bahid ng pula ang kamay. Dulo ng kuko’y
kapiraso ng mundo. Itim. Hugis buwan. Ang pagputok
    ay isang rekoridang laging gumagapang patungo sa tugatog
     ng isang alala.

Dadalhin nila sa bingit ng pagpaparam
ang babasaging boses – ang mga bubog ay
isasaboy na lamang sa lansangan.
Lumalaon ay dumidiin ang bulahaw. Inutil
lamang ang pagtatalik ng kamay at bakal.
   Umusal na lamang ng dasal sa likod
ng kakahuyan at baka dinggin ng bathala
ang panayam. Walang iisang dilang tumatabas
  sa dahas.

kung saan sisimulang hanapin
ng mga mata ang isang lugar kung saan ang lahat
ay iwinawasto ng nakaraan ay lingid
lamang sa kaalaman.

bago mangapal ang dilim ay nilusong ng mga kalalakihan
ang nalalapit na katedral. Naghahabol ang papauwing liwanag
na masaksihan ang kabalintunaan.

wala silang nakita,
katawan lamang sa lansangan,
tinutubos ng kasaysayan.
Windsor I Guadalupe Jr
Written by
Windsor I Guadalupe Jr  Bulacan
(Bulacan)   
4.3k
 
Please log in to view and add comments on poems