Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2016
Isang minuto,
kahit isang minuto lang,
para matitigan ko pa ang kislap
ng iyong mga mata,
isang minuto,
isang minuto lang,
pipilitin ko lang maramdaman
ang pintig ng iyong pusong
sumigaw ng mahal mo ako,
isang minuto,
isang minuto pa
para tanggaping imposibleng
maging tayo.

Oo, mahal kita,
susulitin ko ang bawat minutong
hawak-hawak ko pa
ang iyong mga kamay,
mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin
hanggang sa maubos man ang tinig
o ang ating himig,
mahal kita
at sana'y minahal mo rin ako.

Isang minuto,
isang minuto lang bago ako umalis,
isang minuto
para mahagkan ka muna,
isang minuto para masabi sa'yo
ang bawat katagang nakaukit
sa pinakakasulok ng aking puso,
mga katagang nais maipabatid
itong nahihikahos na damdamin,
mga emosyong mahirap ipaliwanag,
at bawat bugso ng gunitang
nasa bahaging ang meron lang
ay ikaw at ako,
pero walang tayo,
mga gunitang kahit ilang takipsilim
man ang lumipas,
di pa rin kayang mabura
o kahit man lang
matangay ng mga luha.

Mahal kita,
at patuloy kitang mamahalin,
dito sa mundong walang kasiguraduhan,
ako'y maghihintay pa rin,
isang minuto,
isang minuto lang
bago ako bumitaw,
oo, bibitaw ako,
pero di ibig sabihing di na kita mahal,
iiwan ko lang ang puso ko,
bibitaw ako dahil
kahit gaano  pa kasakit
ang makita kang masaya sa piling ng iba,
hangad ko lang
ang iyong kaligayahan sa piling niya,
lalayo ako para lumaya ka,
lalaya ka at lalayo papalapit sa kanya,
pero isang minuto lang,
oo, isang minuto pa,
at pagkatapos nito'y kakalimutan na kita.
JK Cabresos
Written by
JK Cabresos  M/PH
(M/PH)   
4.7k
   JK Cabresos
Please log in to view and add comments on poems