Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2015
(On love by Kahlil Gibran ; A Translation)
Kung magkataon na tawagin ka ng pag-ibig, sumunod ka,
Kahit pa ang daan niya'y mahirap at matarik.
At kung yakapin ka ng kanyang mga pakpak ay magpaubaya ka,
Kahit pa ang mga punyal na nakatago sa kanyang mga balahibo ay kaya kang sugatan.
At kung mangusap siya sa iyo ay maniwala ka,
Kahit pa ang kanyang tinig ay kayang durugin ang iyong mga pangarap
Tulad ng pagsira ng hanging habagat sa mga halamanan.

Sapagkat kung paano ka parangalan ng pagibig ay ganoon ka din niya ipapako sa Krus.
‘Pagkat kahit pa siya'y para sa iyong paglago ay ganun din siya para sa iyong pagka-bulok.
Kahit pa pinayayabong ka nito sa iyong pinaka-mataas at hinahaplos ng liwanag nito ang iyong mga sanga,
Ganoon din niya huhugutin ang iyong mga ugat mula sa pagkakabaon nito sa lupa.

Tulad ng mga butil ng mais ay itinatali ka nito sa kanyang sarili.
Binabayo ka niya upang mahubdan
Ginigiling hanggang sa kuminis.
Minamasa hanggang sa lumambot
At ika'y kanyang isasalang sa kanyang banal na apoy, upang ika'y maging banal na alay na ihahain sa banal na pista ng Panginoon.

Ang lahat ng ito'y gagawin ng pagibig upang malaman mo ang mga lihim ng iyong puso, at sa kaalamang iyon ay maging bahagi ng puso ng buhay.

Ngunit kung sa iyong pagkatakot ay hanapin mo lamang ang kapayapaan at kasiyahan ng pagibig,
Ay mabuti pang ika'y magbihis at lumiban sa kanyang giikan,
Sa isang mundong walang kulay kung saan ikaw ay tatawa, ngunit hindi
lahat ng iyong kasiyahan, at iiyak, ngunit hindi lahat ng iyong luha.
Walang ibinibigay ang pagibig kundi ang kanyang sarili at walang tinatanggap kundi ang galing din sa kanya.
Ang pagibig ay hindi nang-aangkin at nagpapa-angkin ;
Sapagkat ang pagibig ay sasapat lamang sa pagibig.

Kapag ika'y umibig hindi mo dapat sabihing, “Ang Diyos ay nasa aking puso,” kung hindi, “Ako ay nasa puso ng Diyos.”
At 'wag **** isipin na kaya **** diktahan ang pagibig, 'pagkat ang pagibig, kung matantong ika'y karapat-dapat, ay ididikta sa iyo ang iyong landas.

Walang kagustuhan ang pagibig kung hindi tuparin ang kanyang sarili.
Ngunit kung ikaw ay umibig at mangailangan, maging ito ang iyong kailanganin:
Ang matunaw at umagos na parang batis na umaawit sa gabi.
Ang malaman ang sakit ng lubos na pagaaruga.
Ang masugatan sa iyong sariling kaalaman ng pagibig;
At masaktan ng kusang-loob at may ligaya.
Ang gumising sa bukang-liwayway ng may pusong kayang lumipad at magbigay pasasalamat sa isang bagong araw ng pagibig;
Ang magpahinga sa tanghali at magnilay sa sarap ng pagibig;
Ang umuwi sa hapon ng puno ng pasasalamat;
At matulog nang may panalangin para sa minamahal sa iyong puso at awit ng papuri sa iyong mga labi.
Karl Allen
Written by
Karl Allen  Philippines
(Philippines)   
132.0k
   JT Dayt
Please log in to view and add comments on poems