Nakatingala sa kisame, ala-ala ko'y ligaw Sa dilim ng gabi'y ano pa bang tinatanaw Patalon-talon lamang ang sipat sa guhit ng mga ilaw Isip wari'y walang pagod, lagi na lamang bang ikaw
Paikot-ikot ang higa, tila samyo'y naririto Binabalik sa diwa ang lumbay ng paglisan mo Gayunpama'y baon ang tamis ng mga halik Sana'y di na lamang panaginip ang iyong pagbabalik
Unti-unti pa'y namumungay, ang mga mata'y nalumbay din Tutungo sa pangarap, susulong na sa lalim Impit na panalangin sa umaga paggising Kaabay na muli, magbabalik sa aking piling