Hindi niyo ba nakikita
Ang kanilang panlilinlang sa taong bayan
Sa pagpapakita ng malayang lansangan
Ngunit ang totoo'y sila ang kapahamakan
Apat na dekada nang nakalipas
Bata, matanda, sanggol, walang takas
Walang takas sa pagmanalupit ng mga pulis at sundalo
Ang nakaraan, hindi ba tayo natuto?
Mga pulis ay nagkalat
Mga sundalo'y laganap at dumadami
Kahit saan lumingon, sila ang matatanaw
Nagmamasid, nag-iikot, baril ay nasa tabi
Putok ng baril biglaang maririnig
Kasunod ay balitang may nabaril
Iisa ang rason: nanlaban
Ang tanong, nanlaban ba o kunwariang nanlaban?
Kanilang pagkatok
Biglaang pasok
Naghalungkat na walang pahintulot
Tama pa ba ito?
Mga tao'y hinahayaan lang
Ang mga naglalakad na kapahamakan
Dahil sa takot na sila'y tauhan ng presidente
Isang kamay sa bibig, kabila'y sa mata
Unti-unti nang nagpaparamdam
Ang pagbalik muli ng setyembre bente-tres
Tao'y nabulag, hanggang ngayon ganon parin
Kailan kaya magigising ang tao, kapag huli na ba ang lahat?