Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Oct 2015
Alam mo bang gising pa ako hanggang ngayon
Nagbibilang ng mga taon
Kung ilang beses kitang makikita na umaalis at dumarating
Kung ilang beses kong isusulat ang mga pangarap nating tutuparin
Isa, dalawa, lima o labing-isa
Paulit-ulit na muling pagkikita
Nasasabik, nalulumbay, maligaya at malungkot
Ilang beses sa isang taon na mamaluktot
Isa, dalawa, lima, labing-tatlo
Nakatanaw sa langit, sa dagat, sa mundo
Pabalik-balik ang isip sa mga sandaling naririto
Maghihintay paulit-ulit, kahit sampu o labing-walo
Aalis, aasa, darating, maliligayahan
Ihahanda ang damdamin sa walang kasiguraduhan
Ikaw, ako, tayo
Ang magdidikta sa mundo
Kung saan, paano at sino pero hindi ang kailan
Kung bakit, kanino, pero hindi ang dahilan
Ikaw, ako, tayo
Ang magsasabi sa mundo
Na ikaw at ako ang pipili sa isa't-isa
Tayo ang hahawak, hindi ang tadhana
Sa simula, gitna, dulo at pahabol na kapitulo
Ikaw lang at ako ang magsasabi sa mundo
Na araw-araw akong maghihintay
Sa pagsikat man o paglubog ng araw
Na taon-taon akong aasang babalik
Ang dahilan kung bakit patuloy na umiibig
Hindi isa, hindi dalawa, hindi dalawampu't walo
Kundi paulit-ulit hanggang tayo na sa dulo
Aira G Manalo
Written by
Aira G Manalo  Dasmariñas Cavite
(Dasmariñas Cavite)   
Please log in to view and add comments on poems